What is academic integrity? (Filipino) – Ano ang pang-akademikong integridad?

Pang-akademikong integridad 

Ang pang-akademikong integridad ay:

‘inaasahan sa mga guro, estudyante, mananaliksik at lahat ng kasapi ng akademikong komunidad na kumilos nang: may katapatan, mapagkakatiwalaan, makatarungan, may paggalang at may pananagutan.’ 

Ang paglabag sa pang-akademikong integridad ay tinatawag ding ‘di-wastong asal sa akademiko’ o ‘akademikong pandaraya’.

Ang lahat ng estudyante sa mataas na edukasyon sa Australia ay inaasahang magtataguyod ng pang-akademikong integridad sa kanilang pag-aaral.  Ang isang mahalagang paraan sa pagtaguyod ng iyong pang-akademikong integridad ay ang makipag-ugnayan sa iyong mga guro o paaralan kung mayroon kang mga problema sa pag-aaral at makipagtulungan sa kanilang maghanap ng mga solusyon.

Ang pag-aaral at pagkatuto ay nagbibigay ng kaalaman na inaasahan sa isang nagtapos sa iyong kurso ngunit ang anumang uri ng pandaraya ay nangangahulugan na maaaring wala ka ng mahalagang propesyonal na kaalaman at kasanayan na kailangan mo upang magtagumpay sa iyong karera sa hinaharap.

Pangangalaga ng iyong reputasyon

Nagiging bahagi ng komunidad ng pagkatuto ang mga estudyante habang sila ay nag-aaral. Ang mga gawaing nakasisira sa pang-akademikong integridad ng iyong kurso o institusyon ay maaaring makaapekto sa iyong reputasyon sa hinaharap. Halimbawa, kapag nahuli kang nandaya sa iyong pag-aaral, maaaring tanggihan kang i-accredit ng mga propesyonal na lupon.

Pag-iwas sa mga kriminal

Ang pagpapanatili ng pang-akademikong integridad ay poproteka rin sa iyo laban sa mga kriminal.

Ang mga pangkalakalang serbisyo sa pandaraya ay ilegal sa Australia.

Ang mga estudyanteng gumagamit ng mga ilegal na serbisyo sa pandaraya, para bumili ng sanaysay, mga study note o magkaroon ng taong magpapanggap na sila sa isang pagsusulit, ay nanganganib ding ma-blackmail. Maaaring magbanta ang mga nagpapatakbo ng mga ilegal na serbisyong pandaraya na magsusumbong sa unibersidad o sa magiging tagapag-empleyo ng estudyante tungkol sa mga pandaraya nito maliban na lang kung magbabayad ang estudyante ng malaking halaga – minsan ay umaabot ng ilang taon pagkatapos mangyari ang pandaraya.

Mga pag-uugaling sumusuporta sa pang-akademikong integridad

Tick mark in jigsaw piece

Maaari mong suportahan ang pang-akademikong integridad sa pamamagitan ng1:

  • pagkilala kung saan nagmula ang impormasyong ginagamit mo, malinaw na binabanggit o tinutukoy ang pinagmulan
  • personal na pagkuha ng mga pagsusulit at pagsumite ng sariling gawain
  • wastong pag-report ng mga natuklasan sa pananaliksik at pagsunod sa mga patakaran sa pananaliksik
  • angkop na paggamit ng impormasyon, ayon sa mga batas sa copyright at pagka-pribado
  • tamang pagkilos o paggawa ng tama, kahit na ikaw ay nahaharap sa mga problema.

Kung ikaw ay mayroong mga problema na maaaring makaapekto sa iyong pang-akademikong performance, makabubuting makipag-usap sa iyong guro o tutor o course coordinator. 

Mga pag-uugaling nakakasira sa pang-akademikong integridad

Cross mark in jigsaw piece

Maaaring makasira sa pang-akademikong integridad ang ilang pag-uugali ng estudyante. Minsan, akala ng mga estudyante na ang mga pag-uugaling ito ay pangkaraniwan lamang o walang mga kahihinatnan. Mali ito. Maaaring magkaroon ng mga mabigat na parusa sa paglabag sa pang-akademikong integridad (tingnan sa ibaba ang Mga parusa sa paglabag ng pang-akademikong integridad para sa karagdagang impormasyon).

Kabilang sa mga pag-uugaling nakasisira o lumalabag sa pang-akademikong integridad2:

Plagiarism

Ang pagsumite ng gawaing hindi sa iyo nang hindi kinikilala, binabanggit o tinutukoy ang orihinal na pinagmulan ng gawa, ay tinatawag na plagiarism. Hindi mahalaga kung ginawa mo ito nang hindi sinasadya o sadya man, binago mo man ang mga salita para masabing ginawa mo o nag-copy at paste lang. Kapag ginagamit mo ang mga naisip at ideya ng ibang tao, dapat mong banggitin ang pinagmulang materyal.

Pag-recycle o muling pagsumite ng isang gawa

Ang pag-recycle ay ang pagsumite (o muling pagsumite) ng isang gawaing nasuri na, nang walang pahintulot ng iyong guro. Halimbawa, ang isang report para sa first-year class na namarkahan na ay isinumite bilang bahagi ng gawain mo para sa third-year class. Kung nais mong pagbutihin pa ang dating nagawa mo, dapat talakayin muna ito sa iyong guro.

Pag-iimbento ng impormasyon

Ang pag-iimbento (ng impormasyon) ay ang paggawa ng hindi totoong impormasyon para sa mga assessment na gawaing nakatuon sa pananaliksik, tulad ng mga datos mula sa eksperimento o pakikipanayam. Maaari ding kasama rito ang pag-imbento ng mga pinagmulan ng datos, ebidensya o ideya sa pamamagitan ng pagbanggit ng mga hindi wasto o di-umiiral na paglalathala.

Pagsasabuwatan

Ang pagsasabuwatan ay ang hindi lehitimong pakikipagtulungan sa isa o higit pang mga estudyante para matapos ang isang trabahong tatasahin. Iba ito sa paggawa ng pang-grupong takdang-aralin na ibinibigay ng inyong mga guro. Kabilang sa mga halimbawa ng hindi lehitimong pakikipagtulungan ay ang pagtrabaho kasama ng kaibigan o grupo ng mga kaibigan para magsulat ng isang sanaysay o report na dapat gawin ng isang tao lamang. Maaari ding kasama rito ang pagbabahagi ng mga tanong sa pagsusulit o exam at mga sagot sa iba pang mga estudyante, pati na rin ang mga nakasulat na takdang-aralin tulad ng mga report at sanaysay. Ang hindi lehitimong pakikipagtulungan ay hindi makatarungang paglamang ng isang estudyante o grupo ng estudyante sa iba. Hindi rin dapat ibahagi ng mga estudyante ang kanilang mga gawain sa iba dahil may panganib na i-upload ito ng taong pinagbahagian mo sa isang pangkomersyong serbisyo sa ilegal na pandaraya o ikalat ito sa iba.

Pandaraya sa pagsusulit

Kabilang sa pandaraya sa pagsusulit ang:

  • pagsusulat ng ‘cheat notes’ sa iyong katawan o materyales na dadalhin mo sa lugar ng pagsusulit
  • pagtatangkang mangopya sa ibang estudyante
  • pakikipag-usap sa ibang estudyante o mga tao sa labas ng lugar ng pagsusulit habang isinasagawa ito
  • paggamit ng mga elektronikong kagamitan para makakuha ng impormasyon kaugnay ng pagsusulit habang isinasagawa ito
  • pagdala ng mga ipinagbabawal na bagay, tulad ng mga hindi pinapayagang calculator o akalat-aralin sa mga pagsusulit.

Kinontratang pandaraya at pagpapanggap

Ang kinontratang pandaraya ay isang uri ng ilegal na pangkomersyong pandaraya. Ginagawa ito sa pamamagitan ng pagkuha ng ibang tao para tapusin ang bahagi o lahat ng iyong gawain at isusumite ito na kunwari ay ikaw mismo ang gumawa. Maaaring kabilang dito ang paghiling sa ibang tao na kumuha ng exam para sa iyo o magpagawa sa kanila ng sanaysay, report o iba pang uri ng takdang-aralin, na kung minsan ay tinatawag na ‘ghost-writing’.

Ang mga gawaing sumusuporta sa mga kinontratang serbisyo sa ilegal na pandaraya ay itinuturing ding mga paglabag sa pang-akademikong integridad. Kabilang dito ang pag-upload ng mga estudyante ng mga materyales sa pagtuturo tulad ng mga practice exam, lecture slide, at tanong sa takdang-aralin sa mga ‘study note’.

Mga parusa sa paglabag sa pang-akademikong integridad

Penalties icon

Maaaring maharap ang mga estudyante sa ilang parusa sa paglabag sa pang-akademikong integridad, na karaniwang tinatawag na ‘di-wastong gawi sa akademiko’ o ‘akademikong pandaraya’. Madalas na inaakalang bihirang mahuli ang mga estudyante. Subalit ayon sa pananaliksik, nalalaman ng mga guro at institusyon ang mga paglabag sa pang-akademikong integridad, at nahuhuli ang mga estudyanteng gumagawa ng mali3. At patuloy na humuhusay ang mga paraan sa paghuli ng pandaraya. 

Kabilang sa mga parusa sa paglabag sa pang-akademikong integridad ay ang:

  • pag-ulit sa assessment na gawain o unit ng pag-aaral
  • pagbagsak sa assessment na gawain, unit ng pag-aaral o kurso
  • pag-expel mula sa inyong institusyon, na maaaring makaapekto sa iyong student visa
  • pagharap sa mga kasong kriminal.

Bilang karagdagan sa panganib ng mga parusang pang-akademiko o kriminal, ang mapatunayang paglabag sa pang-akademikong integridad ay maaaring makaapekto sa relasyon mo sa iba pang mga estudyante, pamilya at mga kaibigan; makaapekto sa iyong karera sa hinaharap at magdulot sa iyo ng kawalang pinansyal o pati na pagbawi sa iyong student visa.

Paghingi ng tulong

Help icon

Kung mayroon kang mga tanong tungkol sa pang-akademikong integridad, o nangangailangan ng payo at suporta sa mga kasanayan sa pag-aaral, makipag-usap sa inyong institusyon. Magandang simulan ito sa iyong mga guro o course coordinator.

Kung naparatangan kang lumabag sa pang-akademikong integridad, dapat mo itong seryosohin. Dapat ay may malinaw na mga patakaran at pamamaraan ang inyong institusyon tungkol sa pagdisiplina, mga reklamo at apela . Dapat mong basahin ang mga patakarang ito, at maaari ka ring humingi ng mga serbisyo sa pagtataguyod at suporta mula sa inyong student association kung mayroon man sa inyong institusyon.

Ipinapakita sa susunod na seksyon (Pagtukoy, pag-iwas at pag-report sa mga serbisyo sa ilegal na pandaraya) kung bakit dapat mong iwasan ang pagtanggap ng tulong mula sa mga website o serbisyong ina-advertise sa social media dahil maaaring mga serbisyo sa ilegal na pandaraya ang mga ito.

Mga Tala

  1. Mga kahulugang hinango mula sa materyal na binuo ng La Trobe University.
  2. Mga kahulugang hinango mula sa materyal na binuo ng  The University of Sydney.
  3. Dawson, P. & Sutherland-Smith, W. (2017). Can markers detect contract cheating? Results from a pilot study, Assessment and Evaluation in Higher Education.

Bumalik sa landing page ng Pag-unawa sa Pang-akademikong Integridad

Last updated: