Narito ang ilang karaniwang tanong tungkol sa pang-akademikong integridad. Nagbibigay ang mga sagot ng pangkalahatang impormasyon, at hinihikayat ng TEQSA ang mga estudyante na makipag-usap sa kanilang institusyon para sa higit na impormasyon na makabuluhan sa kanila at sa kanilang mga kalagayan.
Mahuhuli ba ako kung mandaya ako?
Sa kabila ng iyong narinig, ipinapakita ng pananaliksik at karanasan na nahuhuli ng mga tagapagkaloob (providers) ng mas mataas na edukasyon sa Australia ang mga estudyanteng nagpe-plagiarise at nandadaya, kabilang ang paggamit ng ilegal na mga pangkomersyal na serbisyo sa pandaraya. Ang bagong teknolohiya, mga pagbabago sa disenyo ng pagtatasa at mga akademikong sinanay na aktibong maghanap ng mga pinaghihinalaang sanaysay, proyekto o exam ay nangangahulugan na mas malamang kang mahuhuli ngayon higit kailanman.
Nahihirapan ako sa aking pagtatasa (assessment). Paano ako makakakuha ng tulong?
Kung nahihirapan ka sa iyong pag-aaral, dapat mong kausapin sa lalong madaling panahon ang iyong unit coordinator o lecturer. Maaari kayong makahanap ng solusyon na mas makakasuporta sa iyong makumpleto ang iyong pag-aaral. Dapat ka ring makipag-usap sa iyong tagapagkaloob tungkol sa anumang suporta sa kakayahan sa pag-aaral na inaalok nila, tulad ng payo sa pagsangguni, pagsulat ng sanaysay at pananaliksik. Ipinapakita ng pagsasagawa ng mga hakbang na ito na pinapahalagahan mo ang pang-akademikong integridad mo at ng iyong paaralan o unibersidad.
Gusto kong magbasa ng ilang mga tala sa pag-aaral na nakita ko sa isang website. Bago ko ma-access ang mga tala, hiniling sa akin ng website na mag-upload ng dating takdang-aralin. May nilabag ba akong pang-akademikong integridad sa pag-upload ng aking dating takdang-aralin?
Oo, malamang na nalabag mo ang iyong pang-akademikong integridad sa pagbabahagi ng iyong takdang-aralin. Kadalasang hinihiling sa mga estudyante ng mga serbisyo sa ilegal na pandaraya na i-upload ang kanilang ginawa upang makakuha ng access sa mga tala, sanaysay o ‘suporta sa pag-aaral’ at pagkatapos ay ibebenta ito sa ibang mga estudyante para kumita. Kapag nalaman ito ng iyong tagapagkaloob, maaari kang maharap sa isang parusa para sa pakikilahok sa pandaraya. Dapat mong protektahan ang iyong gawa at huwag kailanman ibahagi ito sa sinuman o i-upload ito sa mga ikatlong partido na website.
Okay lang ba kung magbahagi ako sa aking kaibigan ng takdang-aralin na binigyan na ng marka/grado?
Hindi, ang pagbabahagi ng iyong takdang-aralin sa iyong kaibigan ay maaaring ituring na isang uri ng pakikipagsabwatan, na isang paglabag ng iyong pang-akademikong integridad. Mayroon ding panganib na maibahagi ng iyong kaibigan ang iyong ginawa sa iba pang estudyante o i-upload pa ito sa isang serbisyo sa ilegal na pandaraya. Dapat mong protektahan ang iyong gawa at huwag kailanman ibahagi ito sa sinuman o i-upload ito sa mga ikatlong partido na website.
Nag-alok ang isang kapamilya o kaibigan na tulungan ako sa aking sanaysay. Okay ba ito?
Bagaman mabuting may kapamilya o kaibigan na handang tumulong, kailangan mong mag-ingat. Okay lang ang mabilis na pagsusuri ng gramatika at pagbabaybay, pero kung ang iyong kapamilya o kaibigan ay nag-ambag sa iyong takdang-aralin, o binago ang nilalaman nito, maaari itong ituring na paglabag sa pang-akademikong integridad.
Dapat tandaan, sa ilalim ng mga batas ng Australia, ang sinumang nagbibigay ng mga serbisyo sa ilegal na pandaraya (tulad ng pagsusulat ng sanaysay o pagpapanggap sa isang pagsusulit) ngunit hindi tumatanggap ng bayad ay maaaring mapailalim pa rin sa mabibigat na multa.
Pinaratangan ako ng aking tagapagkaloob na nagsagawa ako ng hindi tamang asal na pang-akademiko. Ano ang dapat kong gawin?
Kung pinaratangan kang lumabag sa pang-akademikong integridad, dapat mo itong seryosohin. Dapat may malinaw na mga patakaran at pamamaraan ang inyong institusyon na nauugnay sa pagdisiplina sa estudyante, mga reklamo at pag-aapela. Dapat mong basahin ang mga patakarang ito at depende sa inyong institusyon, maaari ka ring makakuha ng mga serbisyo ng tagapagtaguyod at suporta na inaalok ng asosasyon ng mga estudyante.
May alam akong mga tao sa aking kurso na nandadaya. Kanino ko dapat isumbong ang aking mga alalahanin?
Kung mayroon kang ebidensya ng pandaraya ng mga tao sa inyong kurso, dapat mong ipaalam sa iyong paaralan o unibersidad. Depende sa mga kalagayan, maaaring nais mong banggitin ang iyong mga alalahanin sa iyong unit coordinator o lecturer muna o maaari kang maghain ng reklamo sa pamamagitan ng mga mas pormal na channel. Ang learning management system (LMS), student handbook o website ng inyong institusyon ay isang magandang sanggunian para maghanap ng impormasyon.
Maaari bang maapektuhan ng pandaraya ang aking karera sa hinaharap?
Oo, ang anumang uri ng pandaraya ay maaaring magkaroon ng malaki at negatibong epekto sa iyong karera sa hinaharap. Maraming estudyante ang nag-aaral upang matutunan ang impormasyon at mga kakayahan na kailangan para makamit ang kanilang mga mithiin sa karera. Kahit na hindi ka mahuli, kapag hindi mo ginawa ang kinakailangang trabaho nang sarili mo, maaaring hindi mo matugunan ang mga pamantayan na inaasahan ng iyong tagapag-empleyo sa hinaharap. At kung mahuli kang nandaraya, maaaring tanggihan kang marehistro ng isang propesyonal na entidad/ahensya. Maaari ka ring mabiktima ng blackmail ng serbisyo sa ilegal na pandaraya na magbabantang ilantad ang iyong pandaraya sa iyong tagapag-empleyo kung hindi mo sila babayaran nang higit pa.
Binayaran ko ang ibang tao para gawin ang aking trabaho at ngayon ay nagdedemanda silang bayaran ko sila nang higit pa at kung hindi ay sasabihin nila sa aking institusyon. Ano ang dapat kong gawin?
Ang pagbabanta ng isang tao na may negatibong kahihinatnan kung hindi magbabayad ang taong iyon ay tinatawag na blackmail. Ang pag-blackmail ay ilegal, ngunit sa kasamaang-palad, nararanasan ng ilang estudyante ang ma-blackmail ng mga serbisyo sa ilegal na pandaraya at pati na rin ang mga kaibigan, kamag-aral o kapamilya pagkatapos na makilahok sa pandaraya. Ang pagbabayad nang isang beses para matugunan ang hinihingi ay kadalasang hindi magiging katapusan nito, maaari silang humingi ng higit pang pera. Maaari itong nakaka-stress na sitwasyon para sa mga estudyante, na bukod sa mga hinihingi ng nangba-blackmail, ay nag-aalala rin sa mga kahihinatnan kung malaman ng kanilang institusyon o tagapag-empleyo.
Kung ikaw ay bina-blackmail, dapat kang humingi ng payo tungkol sa iyong sitwasyon. Ang ilang institusyon ay may mga independiyenteng tagapagtaguyod ng mga estudyante o serbisyong legal kung saan maaari kang makakuha ng kumpidensyal na payo. Maaari ding makapagbigay ang mga Community Legal Centre sa iyo ng payo. Dapat mong itago ang lahat ng mensaheng natanggap mo bilang posibleng katibayan ng nangyari.
Maaari mong pagdesisyunang i-report mismo ang iyong pandaraya sa inyong institusyon. Isang malaking kalamangan ng pag-report ng sariling pandaraya ay mawawalan ng kapangyarihan ang taong nagbabantang mag-report sa iyo. Ang isa pang kalamangan ay ang pagkatuto mula sa kamalian at pagkumpleto ng iyong degree na alam mong kumilos ka nang may integridad. Dapat mong asahan, gayunpaman, na pangangasiwaan ng inyong institusyon ang bagay na ito alinsunod sa mga patakaran at pamamaraan nito, na nangangahulugan na maaari kang maharap sa pang-akademikong parusa o higit pa, depende sa katangian ng pandaraya.
Inangkop mula sa impormasyon na ginawa ng Deakin University Student Association
Bumalik sa landing page ng Pag-unawa sa Pang-akademikong Integridad